Sunday, June 05, 2005

walang pakealamanan!!!!!!!!!!!!

May rebolusyon sa tondo

Sabi sakin ng baklang maton na si Mang Dado

May nagpukpukan ng martilyo

Sabay hampas ng palo-palo

Mayroon ding naghahabulan at patintero

Na mga adik at buwayang pulis

May nagwewelga

Blangko naman ang mga karatula

May nagrarally sa lansangan

Mga pilantod na nakasaklay

May demolisyon sa Divisoria

Ginigiba tahanang kariton ng mga taong grasa

Sa di kalayuan naman

Mayroon ding awayan

Mga matatandang ulyanin

Di magkasundo

Kung panahon daw ito ng hapon o kano

Labo labong sitwasyon

Halu-halong ilusyon

Ang gulo ng mundo

Ay walang kahalintulad

Ngunit ang gulo sa isip ko

Ang pinaka maigting sa lahat

Sa langit daw ay may paraiso

Mga anghel at kerubin

Nagliliparan at naglulutangan

Sa ibabaw ng ere at mala-cotton candy na ulap

Tila mga bulag na paruparo sa kalawakan

Banggaan dito, banggaan doon

Hanggang sa ang lahat

Ay maging hilong-talilong

Nagbagsakan sa lupa bawat isa

Na parang mga kometa

Upang magsabog ng kabalintunaan

Sa mga tulad kong walang katuturan

Wala akong gustong sabihin

Mamatay na ang lahat ng gustong mamatay

Mabuhay ang gusto pang mabuhay

Mga salita ko’y wala nang saysay

Kaya hanggang dito na lamang… inay

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

miss ko na rin mga taong grasa dun....:D

10:23 PM  

Post a Comment

<< Home